So much of a love poet.

Kung ako’y isang makata, ang aking unang akda ay maglalahad kung paanong ang aking puso’y tumibok para sayo, kung paanong sa hindi inaasahang pagkakataon, ikaw na ang isinisigaw ng puso at piniling ibigin mgpakailanpaman.

Maitutulad ko ito noong ako’y unang nagbisikleta. Balot ng takot.

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari, subalit hindi ko  isusuot ang anumang bagay na makakapagprotekta sa akin mula sa maaaring tamuing sugat, upang maging piping saksi ang peklat kung paanong nahulog ako sa isang tulad mo.

Hindi ako makata.

Dahil kung ako’y isang makata, aking ilalathala kung paanong sa tuwi-tuwina ang iyong ngiti’y tangan ng mga ulap sa kalangitan at ang iyong mukha’y aking naaaninag sa kawalan. Alam kong hindi lingid sayo ang aking hindi mabilang na mga akda, sa pangangarap na isang araw ay mabuhay ka mula sa mga pahina at hangaring makapiling ako habangbuhay. At kapag ika’y nasa aking tabi, mamamalakaya ang ating kalulwa sa karagatan ng wagas na pagmamahal at ihahayag ko sayo ang daigdig hanggang ang bawat iyong hininga ay aawit ng kundimang hatid ng mga bituin sa kalangitan.

Ilalathala ko sa balindang ng kasaysayan kung paanong ang isang tulad mong anghel ay humalik sa lupa, hinubad ang pakpak at piniling makipagsayaw sa isang mortal na tulad ko sa saliw ng musikang mula sa kalawakan  sa entablado ng walang hanggan.

Kung ako’y isang makata…

Aking isusulat kung paanong ang mundo ko ay unti-unti mong binuo, isa-isang dinampot ang bawat butil na pinagpirapiraso ng panahon, binigyang kulay at kahulugan at dinamtan ng ligaya ang dati’y hungkag na kagalakan. Kung paanong ginigising ng iyong tinig ang bawat anino ng aking nakalipas, binigyang liwanag at tinawag ang sandaigdigan upang magsilbi sa aking paanan.   

Ikaw ang aking tinig sa kawalan, ang liwanag sa karimlan. Ikaw ang panulat at ako ang pahina ng bawat kwaderno. Ako’y naririto at nabubuhay para lang sa iyo.

May mga nagtanong, ano nga ba tayo?

Ang sagot ko?

Kung ako ang musika, ikaw ang tinig sa aking awit. Ikaw ang bubuo sa ating kundimang Diyos ang syang may-akda.

Ako’y patuloy na humihinga, nananampalataya, nangangarap at lumilipad sa alapaap habang hinihintay ang nakatakda.

0
Liked it
Comments (0)

Currently there are no comments related to "Hindi Ako Isang Makata". You have a special honor to be the first commenter. Thanks!

Leave a Comment

Hi there!

Hello! Welcome to Authspot, the spot for creative writing.
Read some stories and poems, and be sure to subscribe to our feed!

Find the Spot

Loading