This is a story narrated in Filipino language.
Nagmadali akong lumabas ng silid. Hindi ko kayang pigilan ang pagpatak ng aking mga luha habang naririnig ko ang paghikbi ng naulilang pamilya ng pasyenteng inalagaan ko nitong mga nagdaang araw.
Sa bawat sandali ng pamamalagi ko dito sa ospital, hindi pa rin ako nasasanay sa ganoong eksena—eksenang noon ay nakikita ko lamang sa telebisyon at pelikula. Ngunit hindi ko mapipigilan ang aking sarili. Mababaw lang talaga ang luha ko. Kahit sa panonood ng drama sa telebisyon ay naiiyak ako kaagad. Malamang ito’y dahil na rin sa aking mga karanasan sa buhay—karanasang nag-uudyok sa akin na mahawa sa pagdaramdam ng ibang tao.
Sa mga pagkakataong katulad nito, naaalala ko siya. Isang napakahalagang tao sa buhay ko. Isang taong ninakaw sa akin ng tadhana kasabay ng pagpanaw ng pag-asang makasama at makilala ko pa siya ng lubos. Paminsan-minsan nga, hindi ko maiwasang mainggit sa kanila. Katulad nila, nawalan din ako ng mahal sa buhay. Ngunit iba ang sitwasyon ko nang mga araw na iyon kaysa sa kanila ngayon.
“Mabuti pa sila, nakasama nila ng matagal ang kanilang ama, samantalang ako…” Bigla akong natigil sa pagbulong sa aking sarili nang nilapitan ako ni Demi.
“Sam, namatayan ka na naman ba ng pasyente?” tila mapanuksong tanong sa akin ng kasamahan kong nars nang madaanan ako nitong nakasandal sa labas ng pintuan ng ICU. Pinakawalan ko ang isang mahabang buntong-hininga, ngunit hindi ako sumagot.
“Hay, naku! Kailan ka pa ba titigil sa pagiging artista mo, ha? Hindi mo naman kamag-anak ang namatay, iniiyakan mo.”
“Hindi mo ako maiintindihan, palibhasa kasi pareho pang buhay ang mga magulang mo.”
“Bueno, kaya mo ‘yan amiga,” maikling pampalakas-loob sa akin ni Demi na hinaplos pa ang balikat ko bago nagtungo sa ward.
Magwawalong buwan pa lamang akong nagtatrabaho bilang nars dito sa Saudi, pero pakiramdam ko ay napakatagal ko na rito. Gusto ko nang umuwi sa Pilipinas, ngunit kailangan ko pang maghintay ng mahigit apat na buwan bago matapos ang kontrata ko. Hindi ko na kayang sikmurain na makakita pa ng maraming taong namamatay araw-araw. Hindi ito ang trabahong ninais ko noon.
Currently there are no comments related to "&Ldquo;ang Una at Huli”". You have a special honor to be the first commenter. Thanks!
Welcome to Authspot, the spot for creative writing.
Read some stories and poems, and be sure to subscribe to our feed!