Kaya mo bang magmahal ng gaya niya?

“Ang nanay mo? Hindi ba siya nagtatrabaho?” seryoso kong tanong na muli. Bahala na kung maakusahan man niya akong nangingialam.

 

Umakbay siya sa akin. Tipong naglalambing. Pakiwari ko ay nais niya nang gawin ang trabaho niya upang kumita ng pera. Iyon ang sadya niya talaga sa akin.

 

“Ayaw mo bang lumigaya? Magaling naman ako, a.” May lambing niyang tungo sabay halik ng bahagya sa puno ng aking tainga.

 

Umiwas ako. Ayokong madarang ng mga sandaling iyon. Ilang panahon ko ring itinago ang tunay kong damdamin sa aking mga magulang, sa aking mga kapatid, sa aking mga kaibigan…. Sa aking sarili. Di nga ba’t nagawa ko pang makipagtipan kay Kristina para magamot ko ang aking sarili? Kung sakit man ang tawag sa gayon.

 

Bahagya kong iniiwas ang aking mukha kay Jake. Tila siya ay napahiya at pumirmi ng pagkakaupo. Nakadama tuloy ako ng pagkaawa sa kanya dahil sa aking ginawa. Alam kong pera lamang ang nais niya pero bakit ibig kong malaman ang higit pa sa kanya? At sa kanyang pagkatao? Walumpo’t-pito na lamang ang aking pera sa  bulsa. Hindi sapat ang gayong halaga sa kanyang kakailanganin- sa serbisyo. At di ko pa nasubukan ang magbayad kapalit ng kaligayahan ng laman. Napangiti tuloy ako ng patago. Likas kasi sa akin ang kakuriputan. Ako man ay nauubusan din ng pera at minsan ay humihingi pa ng alalay sa aking ina. Sa edad ko ngang beyne-siete, hindi ba’t dapat ay ako na ang sumusuporta kay inay? Paano nga naman kung biglang nagkasakit ang inay? O baka kaya hindi siya makaubos ng kanyang paninda sa palengke? O kaya ay mangulit ang aking bunsong kapatid na si Maki at humingi na naman ng pera para sa kanyang pambayad sa paglalaro ng “computer games”? At paano kung…. Oo nga, baka naman nagbibisyo lamang si Jake at iyon ang paraan n’ya upang may maipantustos sa kanyang bisyo.

 

“Saan ka ba nakatira?” sundot kong tanong sa kanya pero nakatayo na si Jake palayo sa akin. Maaaring hindi na niya narinig pa ang tanong kong iyon. O baka sinadya niyang huwag nang marinig pa iyon.

 

Naiintindihan ko siya. Mahalaga ang bawat oras niya sa ganung uri ng trabaho. Lalo pa at iilan sila sa lugar na iyon na pareho ng propesyon. Nang pareho ng itinitinda. Ilang oras akong ganoon. Nakaupo pero wala na sa palabas ang aking atensyon. Naghihintay…. “Lalapit pa nga ba sa akin ang guwapong si Jake?”  

 

Palihim kong sinulayapan si Jake sa di kalayuan. Saksi ako kung paano niyang landiin ang mga bagong pasok na mga bakla na halatang parokyano na ng lugar na iyon. Nakakadama ako ng awa sa tuwing inuunahan siya ng ibang callboy sa mga baklang customer. Naroon kasi sa mukha ni Jake ang pagkalungkot. Minsan nga ay napapayuko na lamang ito. At napapangiwi ang mga labi. Pero ewan kung bakit kapag may ibang bakla naman ang lumalapit at kursunadang makipaglandian sa kanya ay tila may kurot sa aking puso. Gusto ko tuloy lumisan na sa lugar na iyon. Ako na kasi ang napapangiwi.

 

“Hi, pogi.” Malandi ang boses ang pumukaw sa aking pagmumuni-muni. Sabay gagap sa pinagmulan nito. Isang baklang nasa kuwarenta na ang halos ay akapin ako ang pumukaw ng aking pag-iisip ng sandaling iyon. “Kanina ka pa, pogi?”

                                                                       (itutuloy)

0
Liked it
Comments (0)

Currently there are no comments related to "Si Jake…. at Your Service(ikalawang bahagi)". You have a special honor to be the first commenter. Thanks!

Leave a Comment

Hi there!

Hello! Welcome to Authspot, the spot for creative writing.
Read some stories and poems, and be sure to subscribe to our feed!

Find the Spot

Loading